8.27.2008

Amerika... Amerika

Noong Mayo 23 - Hunyo 9, 2008 natuloy ang pagpunta namin sa Amerika. Isang pangyayari na hindi ko inasahang matutuloy. Sabi ko nga, nagtrabaho ako ng halos 14 years sa isang kompanya na ang base ay sa US pero hindi ako nabigyan ng ganitong pagkakataon. Buti na lang, dito sa bagong kompanya, kahit nagsisimula pa lang, nabigyan na ako ng ganitong pagkakataon. :D

Masaya at isang hindi malilimot na karanasan ang naging pagpunta ko sa US. Ang dami ko ngang pictures sa friendster eh. At kahit hindi talagang pasyal ang ginawa ko (business trip kasi ito), madami pa rin akong nalibot at narating: San Francisco, Monterey Bay, Denver, Los Angeles, Universal Studios, Hollywood, Beverly Hills, Disneyland, Malibu, Oxnard, Orange County, atbp. Madami akong natigilang hotels at nakainang mga restaurants. Kakaiba ang "fondue experience" na nasubukan namin. At tulad ng iba, sabik din ako na makakita ng snow. Mabuti na lang at may inabot pa kami kasi halos panahon na ng summer ng dumating kami.

Pero higit sa lahat, muli kong nakita at nakausap ang mga kaibigan ko, mga dating kaopisina, mga dating kaklase, at mga bagong kaibigan. Nais kong pasalamatan sina: Ces, Glen, Ryan, Yeye, Leslie and family, Leo V., auntie Lita, auntie Cita; mga dating officemates na sina Obet, Marvin, Mau and Freddie; mga klasmeyts na Liza, Elvie, Mita and Maribel, pati mga kaibigang sina Mila, Frank, Terri, at syempre si Ray, Kristi, Aly at Trenton. Sa lahat ng mga nakasalamuha ko dyan sa US, salamat.... hintayin nyo, babalik ako hehehe.





8.02.2008

La Visa...

Pagkatapos kong makakuha ng Pasaporte, ang kasunod kong dapat ayusin ay ang aking US Visa. Haay! Panibago na namang gastos at pag-aasikaso. Buti na lang at opisina ang magbabayad. hehehe... Sabagay, kaya ko naman aasikasuhin kasi pinapapunta nila ako doon, hehehe.

Kung tutuusin, madali lang naman mag-ayos ng Bisa eh. Mabuti na lang at may internet na, kaya pagkatapos makapag-download ng form sa internet, ang kasunod na ay ang pagbabayad sa bangko. Pero malaki din yun ha, 131.00 dolyares, para lang sa application. Ma-aprub ka o hindi, nagbayad ka na. Ang kasunod ay ang pagkuha ng appointment. Dati rati matagal bago makakuha ng skedyul, baka abutin ka ng 2-3 buwan. Pero ng tumawag ako sa telepono (panibagong bayad ito, at MAHAL ang singil ng Embahada ng Amerika dito), napa-eskedyul ako ng halos 2 linggo lang pagkatawag ko. Kaya ayun, nagmadali naman ako ng pag-aayos ng mga papeles atbp! Kailangan ko ng pera sa banko, bank statement, mga katibayan na may rason ako para bumalik ulit sa Pilipinas. Takot lang nilang mag-TNT ako, hehehe... Baka nga daw mahirapan ako kasi BINATA pa ako. Alangan namang magpakasal muna ako at mag-anak dahil lang dito!

Maluwag daw sa pagkuha ng US Visa ngayon dahil sa nagaganap na recession, pero di ko inisip yun, basta mag-aapply ako, maluwag man sya o hindi, dahil kailangan.

At dumating ang aking skedyul, maaga pa lang ay andun na ako sa US Embassy. 1:30 ng hapon ang aking appointment, pero 11:00 pa lang ng umaga andun na ako. Hindi ako excited, kaso yun ang schedule ng kasama ko, alangan namang magpaiwan pa ako. Saka malay mo makapasok din ako ng maaga. Kaso hindi! Kaya ayun, pinaghintay ako sa init ng araw! Akala ko nga magiging daing o tuyo ako bago matapos ang araw!

Naglagay pa ako ng aspili o perdible sa collar ng polo ko! Sabi kasi ng nanay ko at ate ko, pangontra yun sa "masamang" elemento. Lahat ng ate at kuya na nag-abroad, ganun ang ginawa, kaya ayun maluwalhati silang naka-alis. Eh yung pamangkin ko, hindi daw sinunod yun, kaya medyo inalat ng konti. Mabuti na lang nakaalis din. Wala namang mawawala kung susundin eh hehehe.

At ng dumating na ang oras ko, deretso lang ako sa loob. Bitbit ang lahat ng dokumento ko, sinundan ko at dinaanan ang lahat ng windows, finger printing, etc.

At sa wakas, dumating ako sa dulong proseso, ang interview ng consul mismo. Matiyaga akong naghintay na tawagin ako. Inabot ko pa nga ang kasama ko doon. Iisa lang ang dasal namin, " huwag sana sa numero 10" (kasi lahat ng napunta sa consul na yun, puro luhaang umalis, DENIED lahat). Yung kasama ko, swerte nya at sa #9 siya napunta. Hintay pa din ako. At tinawag na ako, whew! numero 8 ako! Yippeee!

Paglapit na paglapit ko pa lang, inunahan ko na agad ng bati si Kano, "Hi good afternoon" (tip din kasi sa akin yun)! medyo nagulat pa ang dyaske! At nagsimula na akong tanungin ng Kano, "Why are you visiting the US, Where are you staying, What is your line of work, etc.. ", na sinagot ko naman ng totoo. Tapos bigla tanungin ba ako ng "Are you still single?", medyo kinabahan ako, ito na ba ang kinatatakutan ko? Sinagot ko naman ng may pagmamalaki, "YES I AM"... tapang!

Tumingin sya sa akin saglit, sabay abot ng papel.... sabi kasi kapag inabot sa yo yung DILAW na papel, tanggap ka na. Eh medyo madilim, saka hindi nakangiti ang damuho.... dilaw ba ang inaabot nya sa akin?

At pagkahawak ko sa papel, DILAW!!!!!! Aprub ang visa ko! Humangos ako sa last counter, para ayusin ang pagdedeliver ng passport ko na may tatak ng VISA ko!

Amerika, papunta na ako dyan!








Batman dumayo sa Batangas

Nanang ko po!  Matagal na pala ng huli akong magsulat dito... Mahigit isang taon na naman ang lumipas.  Hay naku!  Dapat Medyo sipagin na ak...