11.05.2004

Nakakapanibago


Muntik na palang abutin ng isang buwan simula ng huli akong magsulat dito. Nakakapanibago... Madaming bagay ang umiikot sa isip ko... o talaga yatang umiikot ang mundo ko!

Madaming pagbabago ang nangyari sa buhay ko nitong nakaraang buwan... Una, ang opisina ay ginawa kong bahay. Dahil sa tindi ng mga deadline na kailangan para sa isang proyekto namin sa opisina, dito na kami halos tumira sa opis. Umaga hanggang umaga, andito kami... Kabisado na nga namin halos ang paghihilik ng bawat isa! Yun ay kung may oras pang matulog ang mga tao. Gusto ko man silang pagpahingahing lahat, kapag di namin natapos ito ng maayos, tiyak, mahabang pahinga ang aming dadanasing lahat! Para na nga kaming 7-11, bukas buong maghapon at magdamag! haay, nakakapagod din. Pero isa pa lang proyekto yan ha.... Paano na yung iba pang hawak namin?

Dahil sa tawag ng trabaho, matagal akong nawalay sa mga mahal ko, si TeeBee at si DaViDe (ang aking DVD player). Sabagay, sa ngayon, nakakapagpahinga sila ng maayos. Pero hinahanap ko sila!!!!

Pati nga Nanay ko at mga kapatid ko, sumuko na sa paghihintay sa aking pag-uwi. Tyak galit na naman Tatay ko at lalo na ang aking Ate.sa akin, kasi hindi ko sila nadalaw nitong Nob. 1 at 2. Haay! Pero alam ko nauunawaan nila ako.

Isang kaibigan ko nga ang nagbiro sa akin, mahirap daw para sa akin ang mag-asawa. Kasi tiyak daw, mas pipiliin ko ang opisina kaysa sa asawa. Sabi ko, hindi siguro. Kaya mo bang halikan ang keyboard mo? Kaya ka bang mahalin ng computer mo? Siguro sa MTV lang nangyayari yun.... Pero kahit ganun pa ang aking tinuran, ako ay napaisip...

Gusto ko nang umuwi sa bahay at matulog ng matagal! Hindi na ako sanay matulog ng nakahiga! Siguradong sa paghiga ko sa kama ko, maninibago ako... pero isang bagay ang sigurado ako. Ako ay Masaya.

10.09.2004

Muli...


"Muli..." - isang pagkakataon, isang pag-uulit, isang pagbabalik...

Mahabang panahon ang lumipas, halos dalawang buwan yata noong huli akong magsulat... Madaming nangyari, madaming naganap....

Lumipas ang aking kaarawan, lumipas ang mga araw, lumipas ang mga oras... pero ano nga ba ang kahulugan?

Nagmistula akong dahon na sumusunod sa ihip ng hangin... malayang natatangay kahit saan pa man makarating...

At kaalinsabay ng pagkawala ng hangin, ay ang pagkawala ng saya... nagmistulang kandilang unti-unting nauupos, namamatay...

At tulad sa isang bula, naglaho ang buhay....nawala, di matagpuan, nagulumihanan...

Bumuhos ang unos, nagbadya ng pagsuko at kahirapan... nilunod ang aandap-andap na pag-asa...

Ngunit pagkatapos ng ulan, sumikat ang araw, panibagong pagkakataon, isa nga bang pagbangong muli? O isang muling pagkalugmok sa pagsubok ng buhay?

"Muli..." - isang pagkakataon, isang pag-uulit, isang pagbabalik...

8.24.2004

Paghamon...

Natatandaan nyo ba yung aking paghamon tungkol sa Bilis ng Mata? Yung tungkol sa bilang ng ilaw sa MRT mula sa Guadalupe patungong Buendia, sa kanang bahagi ng tunnel? May naglakas ng loob na tanggapin yung aking hamon… si M.E.

“Ihanda mo ang premyo ko!”, wika ni M.E. “Siguradong tama ako sa bilang ko”, dugtong pa nito. Sa totoo lang, pinabilib nya ako. Sa lakas ng loob na tanggapin ang hamon ko, at tapang ng loob para tiyaking tama sya. Pero sa isip ko, mayabang din ang isang ito. Kasi siguradong matatalo lang sya. Pero inihanda ko pa rin premyo nya kung saka-sakali. At ang pampalubag loob din kapag sya ay nagkamali.

Dumating ang oras ng katotohanan. Paano malalaman ang tamang kasagutan ng walang dayaan? Napagkaisahan naming isulat sa kapirasong papel ang aming mga kasagutan. Pagakatapos, tulad sa eskuwelahan, palitan ng papel pagakatapos.

Hindi sya makapaniwala sa nakitang sagot ko! Lumalabas kulang sya ng 7 hanggang 8 ilaw sa MRT… hindi sya makapaniwala kasi siguradong-sigurado daw sya sa kanyang kasagutan. Kung may aktuwal daw ba akong bilang ng mga ilaw base sa record ng MRT. Sabi ko wala… hindi daw sya papayag… pero tinanggap nya yung pampalubag-loob kong premyo.

Makaraan ang ilang araw, sinabi nya sa akin na mukhang mali nga ang kanyang sagot. Pero hindi pa rin nya matanggap na tama ang aking bilang. Pero mabuti na rin kasi, inamin niyang kulang ang kanyang bilang at mukhang mas tama ako… Hanga ako talaga sa tibay ng dibdib ng taong ito.

Minsan sa ating buhay, may mga paghamong kusang dumarating. Kung paano natin haharapin ang hamong ito, ang tunay na pagsubok para sa atin. Kung sa paniniwala nating tama tayo, ipaglaban natin. Pero kung dumating ang panahon ng pagkatalo, sana, buong tapang pa rin nating harapin na tayo ay maaari ding magkamali. Yun ang tunay na leksyon sa ating buhay….

8.14.2004

Si Teebee... Bow!


Mahigit dalawang linggo ng sira ang aking Telebisyon, o TV sa mas nakakaraming tao. Unti-unti kong naramdaman kung paano nabago ang buhay ko sa pagkawala ng TV. Sabagay, dati namang wala akong TV. Pero simula ng magkaroon ako, halos doon umikot ang buhay ko kapag nasa bahay ako. Haay, ano ba ang nangyari?

Kasiglahan noon ng mga balita tungkol kay Angelo de la Cruz, yun ang huli kong natatandaang isyu noong panahong hindi pa bumibigay ang TV ko, si Teebee. Sabagay, naisip ko, may katandaan na rin sya. Halos sampung taon na rin yun! Regalo sa akin si Teebee... Sikat na sikat siya nung taong yun, 1994. Kasi sya yung unang modelo na lumabas na may "SubWoofer" or "Extra Bass (XB)" para higit mong maramdaman ang dagundong sa pinapanood mo. Ilang bahay na rin ang nalipatan ko, lagi kong kasama si Teebee. Ilang gamit na rin ang naadhika ko, para higit kong maramdaman ang saya ng pagsasama namin; VHS, Playstation, VCD, DVD.... tanging naiwan na lang ay yung playstation at DVD na halos kasa-kasama ko sa araw-araw bago ako matulog sa gabi.

At isang umaga, paggising ko, tulad ng normal na nakagawian ko, ginising ko si Teebee para makabalita naman ako sa umaga, habang nag-aayos sa pagpasok sa opisina. Pagkatapos ng Balita, inilipat ko sya sa paborito kong "Music Channel" para naman medyo makasunod ako sa usong musika... At bago ako umalis ng umagang yaon, maingat ko syang pinagpahinga para handa na syang muli sa pagbalik ko sa gabi.

Pagdating ko ng gabing yaon, binuksan ko ang ilaw, isinaksak ko ang switch, kinuha ko ang remote control sabay pindot ng "ON". Katahimikan.... pindot ko ulit ang "ON".... may konting tunog. "ON" ulit... kzzzdzzzzzssst! Ano yun???? may parang pumuputok sa loob ni Teebee! Hindi siguro natunawan.... "On" ulit! KzzzksszskxskxcdcdvfrfrT!!!! Waring daing ni Teebee! At madali ko ng tinanggal sa switch ang plug. Yun ang huling pagsasama namin ni Teebee. At simula ng araw na yun, hindi ko na rin nakasalamuha si Playstation at DVD.... huhuhuhuhuhu.. Tanging si Teebee pala ang buhay namin... Pinatingnan ko si Teebee, mukhang medyo malaki ang aking magagastos... nalungkot ako. Wala pa akong perang pampagamot kay Teebee! Nakakalungkot talaga...

Nung mga unang araw, ang tanging epekto ng pagkakasakit ni Teebee, ay ang maaga kong pagtulog, at maagang paggising. Nakakapasok na ako ng medyo maaga sa opisina pero hindi ko alam ang nangyayari sa paligid ko. Sa mga sumunod pang araw, unti-unti kong naramdaman ang lungkot ng pag-iisa sa aking bahay... Parang nawalan ako ng kaibigan, isang tunay na kaibigan. Nawala ang aking taga-aliw sa panahon ng lungkot, karamay sa panahon ng mga paghihinagpis, at kalaro sa panahon ng pagiging isip-bata ko at panahon ng saya... unti-unti, naisip ko ang mga panahong pinagsamahan namin. Sampung taon halos... isang kaibigan, kasama, parang relasyong biglang naputol dahil sa dagok ng tadhana... Madaming pagsubok ang aming nadaanan at nalampasan na.... kaya ang tangi kong hiling, isang pagkakataon pa... na sana'y malampasan namin ito....

Teebee, para sa iyo ito.. at dalangin ko, sana gumaling ka agad.... para muli tayong magkasama... ng sampung taon pa ulit at higit pa!

7.29.2004

Alternatitamz

Nais ko lang batiin ang ALTERNATITAMZ ng isang "Maligayang Kaarawan.. isang taon ka na!" kahit walang pagbabago sa blog mo!

Trabaho!



Matagal-tagal na palang walang nabago sa blog ko... kasi naging abala sa trabaho... kahit kailan hadlang talaga ang trabaho sa lahat ng bagay! hahaha... sa blog, sa chat, sa dates, sa lovelife, sa friendster, hahaha... pero kung susuriin, saan ba tayo madalas umasa? di ba sa trabaho... kaya dapat una sa lahat trabaho! kaya nga palaging tinuturan ng aking magaling na boss amo, "nagtatrabaho tayo, hindi para sa pera lamang o ano pa man. Andito tayo sa opisina at nagtatrabaho upang bigyang kahulugan ang ating pagkatao...". Mabigat di ba? kaya wag balewalain ang trabaho... ito ang napatunayan ko... maaring hadlang sya sa ibang bagay, ngunit siya ang isang mabigat na dahilan at katibayan, na bilang tao, may narating ka sa buhay....

kapayapaan!


6.09.2004

Baha! Baha! sa Mata ng mga Kalabit-Enge


Tag-ulan na naman... Mahirap maglakad sa Mantrade kasi bumabaha... Alam nyo ba?natuwa ako sa mga batang Kalabit-Enge nung isang araw... Kasi hindi na sila hantarang nanghihingi! May kakaiba silang paraan ng pagkita ng barya kahit umuulan...

Ang ginawa nila, dahil nga baha, gumawa sila ng mga tulay-tawiran mula sa mga bato at kahoy! Patatawirin ka nila kapalit ng barya! Aba! Hindi masamang magbigay ng konting barya huwag ka lang malublob sa baha di ba? Saka sa ganitong paraan, masasabi mong pinaghirapan naman nila ang kanilang kinikita hindi gaya ng dating Kalabi-Enge pa sila! Mabubuting Bata!

Pero ano itong naobserbahan ko isang araw ng pagpasok kong muli? Andun pa rin ang mga bata kahit hindi masyadong umuulan! Saka bakit baha pa rin??? Hay naku! Nagulat ako sa aking nakita! Isang batang Kalabit-Enge ang nag-iigib ng tubig sa kanyang maliit na lata at ibinubuhos sa lugar ng baha! Kaya pala laging may baha! Kaya tuloy walang magawa ang mga naglalakad kundi gumamit ng tulay-tawiran at magbigay ng barya sa mga bata! Haaay! Wais talaga ang mga bata! Para madagdagan ang kinikita, kahit gawa-gawang baha, kahit walang ulan, patuloy lang ang raket, errr, hanapbuhay! Kaya nakapagtatakang kailangan pang ipatupad ang Bridge Program ng DepEd eh kitang-kita ang katusuhan, err, katalinuhan ng mga bata!

Bilis ng Mata


Sabi ng iba, mas mabilis ang kamay sa mata... At ito ay mariing itinanggi ng ilan. Para sa kanila, mas mabilis ang mata kaysa sa kamay. Ito ang debateng nasa isipan ko, isang gabing pauwi ako galing opisina. Habang ako ay nasa MRT, bigla kong naisipang subukang ipasailalim sa pagsubok ang isyung ito.. ooops! hindi ako gagawa ng salamangka... eto ang kuwento.

Kung kayo ay regular na gumagamit ng MRT sa paglalakbay sa EDSA, maaaring napansin nyo ang isang-mala-kuwebang kadiliman mula Guadalupe hanggang Buendia or mula Buendia papuntang Guadalupe. Tyak napansin mo ang isang tambak na ilaw sa kaliwa at kanang bahagi ng lagusan. Dito ko sinubok ang bilis ng aking mata! na sana ay subukan mo rin! Madali lang, sagutin lang ang aking katanungan: "Ilang ilaw meron sa kanang bahagi kung ikaw ay galing Guadalupe papuntang Buendia?" hehehe... madali lang di ba? Subukan mo ang bilis ng iyong mata! Kapag nagtugma ang ating bilang, bibigyan ko gantimpala! Kya aabangan ko ang iyong kasagutan kaibigan...

Hanggang sa susunod!

5.22.2004

Kalabit Enge



Minsang ginabi ako sa opisina (sa paggawa nitong blog na ito - hehehe), naisipan ko munang kumain sa isang kiosk ng ZippZappKszzt Burgyer...

Habang hinihintay ko yung binili kong pagkain (Spicy Spanish Burgyer), may dalawang batang kalabit-enge ang lumapit sa akin. Sa mga hindi nakakaalam, Ang mga KALABIT-ENGE ay yung mga batang wala ng ginawa kundi ang kalabitin ka at sabay sabi ng "Enge" o pinaikling pahingi! Ayun, siyempre, kinukulit ako ng dalawang bata. Nagkataon namang wala akong barya sa bulsa kundi ang 2 25-sentimo na barya. Dahil sa likas akong maawain (ehem), buong puso kong ibinigay sa dalawang bata ang barya sabay sabing "Pasensya na ha, yan lang ang barya ko eh". Tinanggap naman ng isa yung inabot ko sabay sabi ng "Ano ito? Beinte-singko?", sabay balik sa silya ng baryang ibinigay ko. Sagot pa ni bata, "Ayaw namin nyan!". Aba, nagulat ako! Tinanggihan ang ibinibigay ko! Pero humirit pa ako, "Sige kayo, kung hindi nyo kukunin yan, kukunin ko na lang ulit". Aba, pinatulan ba ako nung pangalawang bata! Biglang inabot sa akin yung 2 beinte-singko, sabay sabi ng "Eto, sa yo na!" Nagtimpi pa ako, sabay sabi ng "Hindi, bigay ko nga sa inyo yan eh". Eh ayaw tumigil ni bata #2! Pilit na inaabot sa akin yung barya sabay tukso pa ng "Di ba gusto mo? sa yo na lang! Gusto mo di ba?" Nang hindi ko tanggapin, itinapon ni bata #2 yung barya! Buti na lang at nanaig yung pagiging matanda ko at hindi ko na pinatulan yung bata... Naisip ko tuloy, ganun na ba kawalang halaga ang beinte-singko? Bago ko nasagot yung tanong ko, dumating na yung order ko! Buti na lang...

Eto naman ang problema, nung kumakain na ako, di pa rin umalis ang mga kalabit-enge! Panay pa rin ang kalabit! Ngayon naman, gusto pang umambon sa aking hapunan... Nagtitimpi pa rin ako sabay sabing sige, mamaya... Ngunit biglang may dumating pang isang bata! Tatlo na silang nakatingin sa akin na pilit ng pilit na makatikim sa aking hapunang burgyer! Hindi ako nakatiis! Bigla kong inabot sa kanila yung pagkain ko, "Ayan, hati-hati kayong tatlo!", sabay tayo at kuha ng bag ko at ng inumin ko (Wag kayong mag-alala nagbayad ako)! Nagmamadali akong lumayo sa lugar na yun, hindi para makalimutan yung mga bata kundi para di ko marinig ang galit nila dahil sa SOBRANG ANGHANG na pagkain ko!!! Minsan, masarap ding makipaglaro sa mga batang kasing-kulit ng mga kalabit-enge! :)



5.18.2004

Si Shet at si Krenk


Sa araw-araw na pagpasok ko sa opisina at paguwi sa gabi, ang MRT ay isang lugar na nagsisilbing aliwan ko upang hindi ako mabagot sa tagal ng byahe! Bukod sa madami kang nakikita sa labas ng MRT, madami ka ring bagay na mapapansin. Dito ko nakilala si Shet at si Krenk...

Kung nasa North Avenue Station ka papuntang Pasay Taft, tiyak, nakita mo si Shet - ang mahiwagang "escalator"! Lahat kasi ng mga taong gumagamit dito, ito ang binibigkas kapag nakita na nilang hindi ito tumatakbo.. "Shet, sira na naman! Shet, patay na naman! Shet, ano ba ang escalator na ito!" Sa araw-araw na pagpasok ko, mabibilang ko yung araw na talagang maganda ang gising ni Shet. Kung bakit kasi naman, kung kailan ka nagmamadali saka nagpapahinga si Shet. Kaya ayun, bago ka makarating sa ikatlong palapag ng estasyon, tyak nirarayuma ka na!

Pagdating mo naman sa Magallanes Station, at ikaw ay papuntang Pasong Tamo Extension, tiyak doon ka dadaan sa "bridgeway"... sa kabilang dulo, doon mo makikita si Krenk... ang mabait na "elevator". Si Krenk naman ay kabaligtaran ni Shet. Kung anong tamad ni Shet, sya namang sipag ni Krenk. Kaya lang, may topak itong si Krenk, mula sa ikatlong palapag pababa, doon mo malalaman kung saan nya nakuha ang pangalan niya. Sa tuwing sasapit sya sa pagitan ng ikatlo at ikalawang palapag, maririnig mo syang humuhuni... "Krenk, Krenk, Krenk" na para bang gusto na niyang bumitaw sa makinaryang humahawak sa kanya! Nakakatakot! Pero mas may silbi sya kaysa kay Shet...

Sa susunod na sumakay kayo sa MRT, sana makilala ninyo ang mga bago kong kakilala.. si Shet at si Krenk!

5.17.2004

Kuwentong Barbero


Bagama't tapos na ang halalan, puwera ang bilangan, madami pa ring umiikot na usapan tungkol sa eleksyon lalo na sa paborito kong barberya.

Isang bagay na aking narinig na kung saan ay nakuha ang aking atensyon, ay tungkol sa isa na namang paraan ng pandaraya noong nakaraang botohan. Kung dati-rati, ang isang kandidato ay namimigay ng pera sa mga botante para bilhin ang boto nito, na kung saan hindi naman niya malalaman kung talagang ibinoto sya (ang iba kasi ay tinatanggap lang ang pera pero ang ibinoboto pa rin ay yung gusto talaga nila... WAIS!), ngayon, may bago nang estilo tungkol dito. Kapag nalaman ng isang kandidato na ikaw ay boboto para sa kalabang kandidato, bibilhin pa rin ang boto mo (balita ko nga 500 piso daw kada botante ang takbuhan ngayon), pero SEGURISTA na sila ngayon. Kasabay ng pag-aabot ng pera sa iyo, lalagyan ka na agad ng "indelible ink" para siguradong HINDING-HINDI mo na maiboboto yung kalabang kandidato, kasi hindi ka na makakaboto sa presinto mo dahil MARKADO ka na. So paano ang pandaraya dito? Kung kwentang kalye ang gagamitin, kung may 100 katao ang nagawan ng ganito sa isang presinto, aba, 100 boto din ang mawawala sa kalabang kandidato. Kaya malaki-laki ang pag-asang umangat itong si kandidatong namimili ng boto! Eh paano kung hindi lang 100 katao ang nabili ang boto??? Aba, malaki-laking kabawasan yun di ba?

Bagong estilo, pero lumang kuwento ng pandaraya pa rin. Pero kung iisipin, iisa ang ugat, kahirapan! Kaya maraming kababayan natin ang pumapayag sa ganitong sistema, para lang maibsan ang kalam ng sikmura kahit ilang araw lamang. Sa iba nga, di ba mga bag ng pagkain daw ang talagang ipinamimigay para makuha ang boto ng karamihan? Naitatanong ko lang, talagang dapat ba sa isang kandidato, may PLATAPORMA? Plata (o pera) at Porma para manalo sa halalan? Kaawa-awang sambyanan pag nagkataon!!

5.13.2004

Balitang-balita!!!


Maiba ako, natunghayan mo ba yung balita tungkol sa isang babae na ninakawan ng pera ng kanyang kasamang babae, na kung saan ay matinding itinanggi ng kasama nya ang paratang na ito? Wala namang nakakagulat sa balitang ito, maliban sa kalagayang ang dalawang naturang babae ay magkasama sa iisang selda na kanilang kinakukulungan!!! O, di ba nagulat ka? Ayon pa sa balita, ang akusado ay isang snatcher kaya nakakulong. Ngunit mariing itinanggi ito ng akusado, sa dahilang hindi daw naman nya talaga kinuha ang pera ng nag-aakusa. Pero sino kaya ang kumuha nito kung hindi sya? Alangan namang ninakaw ng nag-aakusa ang sarili niyang pera? Hmm, may multo kaya silang kasama sa selda?

Halalan 2004… Hala! Ano ba yan?


Katatapos lang ng eleksyon… Hay! Ang dami agad naging isyu. Bago pa naman nagsimula ang botohan noong Lunes (Mayo 10), madami na agad naging isyu… Sabagay, ano ba naman ang bago sa eleksiyong ito ang hindi naranasan noong mga nakaraang eleksyon?

Ilang linggo bago mag-eleksyon, madami ng mga botante ang nagrereklamo! Madaming botante ang hindi makita ang kanilang pangalan sa opisyal na talaan ng mga botante. At noong Lunes, parehong problema ang kinaharap ng libo-libong tao! Hindi makita ang pangalan sa opisyal na talaan ng mga botante… Malaking tulong ang inilunsad na programa na HanapinPresinto.com. Kasi talagang hahanapin mo ang iyong presinto, kasi hindi mo pa rin makikita!!! At dahil dito, madaming mga tao ang hindi nakaboto. Aba, hindi biro ang magpunta sa presinto para lang malaman na wala ang pangalan mo! At kanino daw isinisisi ang kaguluhang ito? Sa kaawa-awang kompyuter!!! Naisip ko tuloy, malamang matuloy ang pagdating ni Terminator sa mundo kung ganito ang dahilan ng mga tao! Eh sino ba ang nagpatakbo at gumamit sa abang kompyuter? At hindi birong pera ang ginastos noong nakaraang pagpaparehistro ha… Para daw sa ID yun, upang maayos ang eleksiyon. Teka, asan na nga ba ang mga ID na yan??!?? Pera na naman ng mahihirap na mamamayang Pilipino ang ginamit dyan… May tambay nga na nagsabing hindi kaya ito ang bagong estilo ng pandaraya sa eleksiyon? Siyempre, mababawasan ang bilang ng boto para sa ibang kandidato. At ako ay nag-isip, may katwiran ang gagong tambay…

Isang kuwento sa akin, madami namang taong bagama’t nakarehistro, hindi pa rin nakaboto. At sa ano namang dahilan?? Aba, pagdating daw sa kanilang mga presinto, andun nga ang pangalan nila, pero may nakaboto na para sa pangalan nila!!! Lumang estilo na ng pandaraya pero hindi pa rin matigil. Eh kasi ba naman, kung nailabas ba yung mga ID na sinasabing makakatulong sa eleksyon, naiwasan sana ang ganitong pandaraya. Bukod pa dito, yung mga matagal ng yumao, aba, bumabalik pa rin sa listahan ng mga botante! Nakakatakot! Sabi tuloy ulit ni kumpareng tambay, kasi kung ikinukumpara ba nila ang mga datos ng tao sa SSS,GSIS, at NSO sa listahan ng mga botante, ang daling makita ng mga patay na dapat wala na sa listahan! May katwiran na naman… Kahit tambay, minsan may pakinabang din! Grabe mag-isip!


At siyempre, pagkatapos ng eleksiyon, pagdating ng bilangan, andito na ang isyu na nagkadayaan daw! Bukod sa mabagal na proseso ng pagbibilang, katakot-takot daw na pandaraya ang nangyayari! Ang tanong lang nga ay “sino ba ang nandaraya at dinadaya”? Hindi naman yung mga kandidato kundi ang mamamayang Pilipino na bumoto lang naman sa pag-asang may mangyayaring mga pagbabago sa estado ng buhay nila sa mga darating na araw… Kung tutuusin, sa bilis ng makabagong teknolohiya, tinatayang makalipas ang 4-5 oras makalipas ang bilangan, alam na ng mga kandidato (sa lokal o maging nasyonal na lebel) kung nanalo sila. Ito ay ayon kay Propesor Randy David sa isang panayam ng GMA-7 sa Halalan 2004. Ang kanyang pananaw, kung maglalagay lang ng isang taong may “cellphone” at may kakayahang makapagpadala ng “text message” sa bawat presinto, sa bawat lugar, tyak madaling mabibilang ang mga boto! Ang hihintayin na lang ay ang opisyal na anunsyo na nanalo ang isang kandidato. Pero may nagkomento, na bagama’t may punto ang pananaw na ito, madali din daw makita kung saang lugar mahina ang isang kandidato… at madaling malalapatan ng katapat na pandaraya! Tunay na may katwiran!!!

Halalan 2004… sana ay matapos ng maayos at matiwasay.. at wag sanang maging kaHangalan 2004!!!

5.06.2004

Unang Tampok (Huling yugto)


Ah, huwebes na! Bukas, Biyernes na. Ilang araw na lang eleksyon na. At kaalinsabay ng pag-angat ng teknolohiya ang katakot-takot na dami ng nakakapanindig-balahibong kalokohan sa internet! Tulad sa ibang bagay, kapag may kabutihan, mayroon ding kasamaan. Ngayon tingnan natin ang ilan sa mga ito: (Sa tonong ala-Mike E.) At ngayong eleksiyon, aba, mahahanap mo na ang presinto na pagbobotohan mo sa internet. Aprub! Pero, teka, bakit nawawala ang pangalan ko! Nagkadayaan na yata, hindi pa man eleksiyon! Bukod dito, katakot-takot din ang kumakalat na paninirang-puri ng mga kandidato sa kapwa kandidato! Aba, ito ba'y makatao? Kasi di daw naman malalaman kung saan nagsimula at nag-ugat ang mga ito! "Black propaganda" daw! Aba, sino ang niloloko niyo??? Ang taumbayan? hehehe.

Kaya ating timbangin muna lahat... ito ba ay makatwiran? Ingat lang! Baka di tayo tantanan!

Ah, Teknolohiya, anong hiwaga mo... nakakaaliw ka... at nakakabaliw!

5.04.2004

Unang Tampok (Ikalawang yugto)


ang karugtong:

mabuti naman at andyan pa kayo. akala ko, hindi ninyo na hihintayin ang naudlot kong tampok.

Pagkatapos ng emeyl, aba, ang dami pa palang kasunod! Andyan na ang tsat o "chat". Dati-rati, ang dalawang tao ay nakakapag-usap lang kung magkasama at magkaharap. Tapos ng maimbento ang telepono, aba, puwede na palang magkausap kahit malayo at hindi nagkikita. Pero ngayon, laking gulat ko, kasi kahit sa lintik na kompyuter lang, puwede nang magkausap! At hindi lang basta mag-usap, puwede pa kayong magkita sa pamamagitan ng "webcam" daw, o yung maliit na kamera na ikinakabit sa kompyuter! Haneep! Akala ko dati, sa mga pelikula lang merong ganoon! Magkakatotoo pala yun! At balita ko nga, hindi lang basta usapan ang nangyayari sa "chat". Merong ilan na kahit ang pakikipagtalik, nagagawa na rin sa chat! Parang gusto ko yatang hintayin kung puwede na ring manganak sa kompyuter! Hayup talaga ang nakadiskubre ng internet, kahit pa ito ay unang nilikha para sa giyera o seguridad ng isang bansa.

Ngayon, kahit mga nawawala mong mga kaibigan, madali mo na ring mahahanap... sa email, chat, at pati kay frenster ba yun? aaah! Friendster pala! haay, buti pa itong bata dito at marunong.. Nakikita ko nga ang mga larawan ng aking mga kaibigan sa Friendster. At puwede ka pang maging kaibigan ng mga sikat. Aba mantakin mo, yung damuho kong kaibigan, at mukha ni Brad Pitt ang nakalagay. Yung isa si Aga Muhlach! Pero ang aking pinakagusto, ay yung isa na larawan ni Cindy Kurleto ang ginamit! hehehe! Napakasarap makita ng larawan na yan. Eh yung kay Juliana Palermo? Hindi ba at kakaiba ang nagagawa ng teknolohiya!

(itutuloy ulit...)

5.03.2004

Paningit na Tampok

bago ko ituloy yung kasunod na kabanata ng naunang tampok, pasingit muna:


Lunes na naman! Daming tao sa MRT (yung tren ba na bumabagtas sa kahabaan ng EDSA mula Pasay papuntang North Avenue). Naisip ko, pareho ba ang mga nagpapatakbo ng MRT at LRT (yung tren naman na bumabagtas sa kahabaan ng Taft Avenue at Avenida mula Baclaran papuntang Monumento)? Kasi iisa ang problema nila, pero magkaiba ang solusyon nila!

Ang problema: Sobrang dami ng tao! siksikan!

Ang solusyon:
Sa LRT, para hindi mahirapan ang mga kababaihan, at ang mga may edad at kapansanan, inilaan ang mga unang bahagi ng tren para sa kanila. Naiiwasan na nga naman ang mga pasimpleng tsansing ng mga lalake sa mga kaawa-awang mga kababaihan!

Sa MRT, wala! kahit babae ka, matanda, o may kapansanan, bahala ka sa buhay mo! kahit may nakalaang lugar para sa mga may kapansanan, napupuno pa rin ito ng mga tao! Kung babae ka, ingatan mo na lang ang maselang parte ng katawan mo, kasi yung walang modong mama, balewala kung siksikin ka, balyahin at swerte ka pa kung may magpaupo sa iyo.

Naisip ko, di ba dapat mas mababait ang mga tao sa MRT? Kasi sila yung mga nag-oopisina sa Makati, sila yung mga may pinag-aralan daw.

Naiwan pa sa aking isipan, ano kaya ang nangyari sa dalawang may kapansanan na sakay ng wheelchair sa cubao? nakasakay kaya sila? napansin ko kasing nakikipagsiksikan pa sa kanila yung ibang walang kuwentang mga tao.

sa MRT kasi, kahit sa North Avenue pa lang, if pupunta ka Pasay Taft, hindi ka na makakaupo. sa ibang istasyon pa kaya?

4.30.2004

Unang Tampok

Ahhh! isang panibagong araw sa buhay ng isang manunulat (manunulat daw o)... hmmm... ano kaya ang malilikha ko ngayon?

Ah, naisip ko, patuloy ang pag-unlad ng teknolohiya at siyensya. hindi na biro ang kakaiba at nakakatuwang dulot ng pagbabago sa lipunan dahil sa pag-unlad! Pumapasok daw tayo sa panahon ng kompyuter at teknolohiya! Ah, nakahanda ba tayong lahat? Hmm, ano na ba ang mga pagbabagong nagaganap sa pang-araw-araw nating buhay na dulot ng kompyuter age daw? silipin nga natin.

Dati-rati, ang sulat ay ginagawa sa paraang kailangan mo ng papel, bolpen, sobre at selyo. ganun din ng perang panghulog mo sa koreo. Aba ngayon, sosyal na daw, emeyl (email) na ang tawag. Hindi na rin kailangang gamitin ang mga nakagisnan nating mga bahagi ng liham. wala na si petsa, pamuhatan, bating panimula atbp. At wag ka, may sarili ka pa daw emeyl akawnt (email account) na para sa iyo lang. Dadagdagan mo lang ng dat com at okay na. Puwedeng ipangalan mo sa iyo. Naisip ko, eh di ang sa akin ay Tampoknablag@hatmeyl.com? Aba, kakaiba nga!

(itutuloy)

Batman dumayo sa Batangas

Nanang ko po!  Matagal na pala ng huli akong magsulat dito... Mahigit isang taon na naman ang lumipas.  Hay naku!  Dapat Medyo sipagin na ak...