6.08.2010

Batman dumayo sa Batangas

Nanang ko po!  Matagal na pala ng huli akong magsulat dito... Mahigit isang taon na naman ang lumipas.  Hay naku!  Dapat Medyo sipagin na ako.

Para maganda ang simula, eh ito muna ang mga patawa mula kay Batman na nakita ko sa youtube!  Hindi po ang superhero na kilala din bilang Dark Knight o Bruce Wayne.  Kakaibang Batman po ito.  At kung ikaw ay BatangueƱo, naku tyak kong kilala mo ito. At ikaw ay mapapahagalpak ng tawa dine... hahaha!







No copyright infringement intended.

Credit goes to the youtube uploader cjeivilla (http://www.youtube.com/user/cjeivilla).

5.05.2009

TROPANG TUNAY

TROPA - grupo o samahan, kaibigan
TUNAY - totoo, di plastik

Akala ko, tuluyan ko ng iniwan ang ChaTv noong 2008 dahil sa mga personal na dahilan. Enero 2007 noon ng magsimula kong makahiligan ang TV Chat, tambay ako ng DCK (karaoke channel). Nakikipagunahan ako sa request box, hindi dahil gusto kong kumanta, kundi natutuwa lang ako pag nakikita ko ang pangalan ko sa TV screen, saka yung may "nahuhulog" pag nauunahan ko sa box (sama ko!). Nagkaroon ako ng mga kaibigan at kakilala at mga kaaway (lalo na kung baragan). Napasali din ako sa grupo na puro babae, at ako lang ang lalaki dati siyempre, ang STARLETZZ. Dito naging kasama ko sina NANAY, CINDYRELLA, MAYUMI, WHITEGHOST, PIPAY (o PHINES). Ngunit dumating kami sa puntong kailangan naming maghiwahiwalay, bagama't patuloy akong may komunikasyon sa kanila. 2008 ng tuluyan akong lumayo sa Tv chat.

Nitong Enero 2009, naisipan kong sumilip sa chatroom at sinubukan kong muling mag-chat, andun pa din sina NANAY at CINDYRELLA, pero ngayon sa DESTINY na. Nakikita ko pa din si PIPAY.

Di ko akalain na muli kong mararamdaman ang saya sa pakikipag-chat. Bagama't naging moderators ako ng 2 internet forum (ang TitikPilipino (kasalukuyang under re-construction) at ang dating PinoyRapTalk), kakaiba pa din ang feeling pag sa TV mo nakikita ang pangalan mo. *Sana nga maayos na ang TitikPilipino, miss ko na din mga kasama ko doon.*

Puro bago na halos at mga bata ang mga chatters, or siguro inakala ko sa dahilang di ko na sila kilala. At tulad sa isang newbie, sabik ka na muling mapabilang sa isang grupo. At dito ko nakilala ang TROPANG SNAKZ, isang grupo na iba ang dalang kulit at saya sa pagcha-chat, dagdag pa na pretty sina NAGOYA at ARURAY. :)

Di ko inakala na mapapasali ako dito. Nagpadaan lang ako ng mensahe na "ano kayang grupo ang aampon sa akin", na sinagot naman ni NAGOYA ng puwede daw ako sa tropa.

Ayun, at ang kasabihan nga, the rest is history! Naks, English yun ah!

At makalipas ang pagpapalit ng pangalan ng tropa sa TROPANG TUNAY, pagbabago ng mga miyembro at kasapi dito (may bagong sasama, may aalis, may nateterminate..kasi ayaw namin ng PASAWAY), maituturing na lalong pinapatunayan ng tropa ang pagiging TUNAY. Hindi na kasi ito isang simpleng chat group lang, isa itong PAMILYA na may PUSO. At sa patuloy na pagtutulungan ng bawat miyembro, higit na nagiging matatag ang samahan: may tagayan kahit sa text, may mga munting EB, may updates ukol sa lagay ng panahon, sports at iba, may kuwentong love story sa mga GMs, at action kapag may pasaway at baragan o simpleng away magkasintahan. Saan ka pa?

Eto ang rampa ko:

TROPANG,TUNAY
TROPANG,TUNAY
TROPANG,TUNAY
TROPANG,TUNAY
TROPANG,TUNAY

Para sa mga Lalaki

WARNING: PATNUBAY NG MAGULANG AY KAILANGAN

Nitong mga nakaraang taon, nakita natin ang pagbabago sa pananaw ng mga lalaki tungkol sa pansariling kalusugan at kaayusan. Natuto na silang tumangkilik ng mga bagay na nakakadagdag sa mga "pogi points" o mga pandagdag atraksyon para sa mga babae. Pati mga produkto na dati ay mga pambabae lang, ay makikitang sumasakay sa pagbabago ng panahon. Dati pabango lang at deodorant ang meron, tapos nagkaroon ng shampoo, facial wash, facial scrub, lotion, lip gloss, etc. Pati nga eyeliner ngayon mabenta na rin dahil sa mga EMOng lalaki.

Pero isang produkto ang tumawag sa aking pansin, na kung malisyoso kang mag-isip (gaya ko... hehehe), malalaman mo ang ibig kong sabihin. Ito ay ang Sabon Para sa mga Lalaki. Pasalubong ito sa akin ng isang kaibigan galing US. Hindi nya din siguro naisip yung naisip ko. Eto:

Ang SOFTSOAP (ulitin mo nga?).








Hindi ba nakakatawa? Or ako lang talaga ang malisyoso? Baka nga ako lang... hehehe.

Isip ko nga, siguro Pilipino ang nakaisip ng pangalan ng produktong ito. Ang Pinoy nga naman! :)


PeaCe!


May0 05, 2009

Haay! Tagal ko na naman pala bago nakapagsulat dito sa blog ko. At ano na naman kaya dahilan? hehehe.

Ayun, katatapos na naman ng laban ni Pacquiao kay Hatton nung linggo. Ayun, kawawang Hatton, di na pinatagal ni Pacquiao ang laban. Mabuhay! Sa pangalawang round pa lang, pinatunayan ni Pacquaio na sya ang "best fighter" ngayon.



Pangalawang pagkakataon na ito na nagsulat ako dito sa blog makatapos ang laban ni Pacquaio. Di ito sinasadya, nagkataon lang talaga.
Madami akong gustong isulat, sana matapos ko lahat..
Madaming nangyari kasi mula noong Enero hanggang Abril 2009. Tagal no?
Eto na, nagsimula na nga eh...
PeAce!

12.09.2008

Astone UMPC - Ang Bago Kong Kaibigan

Disyembre 07, 2008, pagkatapos kong panoorin ang laban ni Pacquiao at Dela Hoya sa internet, madali akong nagpunta sa PC Corner sa may Alabang Zapote Road, para bumili ng bagong laruan, isang mahal na laruan hehehe.. ang Astone UMPC. Naabutan ko pa nga ang mga tao dun na kasalukuyang nanonood sa tv ng laban. Sabi ko tapos na sa internet hehehe. Tinanong naman nila ako kung sino nanalo, at sinabi ko naman! hehehe.... pero ibang kuwento na yun.... balik tayo sa Astone.

Ilang araw ko ding pinag-isipan kung bibilhin ko na ba talaga sya, ilang tindahan na din ang aking pinagtanungan, at ilang laptop notebook pa ang aking pinagpilian bago ako nakapagdesisyon.

Matagal ko na kasing gustong bumili ng laptop (pati camera, at PSP.... hehehe). Kaso kulang ang aking pera (o wala talaga akong pera). Yung gusto kong camera, mula 18,000 hanggang 25,000 pesos. Aba! Hindi ako ganun kayaman. Yung PSP, medyo mababa presyo, pero kailangan ko ba talaga? At ito ngang laptop, na magagamit ko talaga... pero mga mahal ang mga nakita ko. Hanggang sa makita ko nga ang Astone UMPC (Ultra Mobile Personal Computer).

Sa presyong ibinigay sa akin, 9,995 kung walang OS o 11,995 kapag merong licensed Windows XP Home, eto ang kanyang specs:

Processor: VIA C7-M ULV 1.2Ghz (FSB400) on-board
Chipset: VX700 Graphics: integrated VX700
Audio: VT1708A, with 2 internal 1.5W built-in speaker
Monitor: 7″ LCD Touch Screen with Handwriting capability, WVGA 800×480
LAN: 10 Base-T/100 Base TX LAN
Bluetooth: Yes, USB interface
Modem: none
Wireless LAN: Yes, IEEE 802.11b/g, USB 2.0 mini card
Battery: 4-cell 2200mAh
I/O: DVi-I, USB 2x, mic-in/Array Mic 1x, Headphone out/Line-out 1x, RJ45 1x
Webcam: Yes, modular 0.3MP Camera
Card Reader: Yes, 4-in-1 (for SD, MMC, MS, MS Pro)
Dimension: 230×171x29.4mm Weight: 0.97kg
Memory: 1GB DDR 667
HDD: 60GB

Sa bluetooth at wifi nga lang, solve na ako, eh idagdag mo pa card reader at kung gaano sya ka-portable.



Kaya ayun, di ko na napigilan ang sarili ko. Habang abala ang iba sa pagkakapanalo ni Pacman, ako naman ay abala sa pagkutingting ng aking Astone. :)

Agad akong bumili ng laptop skin, para medyo maging personal ang dating, mesh bag na pansamantalang lalagyan, at presto! Mas pogi na ang umpc ko. :)




Kasalukuyan ko pang sinusubukan at binubutingting ang aking umpc. Pero sa aking tingin, magiging mabuti kaming magkaibigan.
Sa aking bagong kaibigan, sana ay magtagal ang ating samahan!

11.28.2008

Si Nonoy Abnoy at si Pia Piyaya

Noong nakaraang Nobyembre 1, Araw ng mga Patay, may kung anong kakulitan ang sumapi sa utak ng aking pamangking si Nonoy. Gamit ang camera nya na naipundar sa kanyang OJT sa Singapore (sa Botak Jones), naisipan niyang kunan ang kanyang sarili habang sinasabayan ang isang awitin sa radyo (No One ni Alicia Keys). Bukod sa kanya, sumali din ang isa ko pang pamangkin, si Pia, at nagtulong sila sa kanilang obra maestra. Bagama't hindi na bago ang ganitong konsepto sa youtube, nakakaaliw pa rin silang panoorin, kasi bukod sa hindi alam ni Pia ang lyrics ng kanta, mapapansin mo naman na enjoy na enjoy sila sa kanilang ginagawa. Atin silang panoorin:



Para sa iba pang videos, search nyo lang si "Nonoy Abnoy" o kaya "DarkcrowProductions"

Salamat!

Get a Chance to Win a Sony Ericsson C902 Cyber-shot Phone!

GET THE BOND WIDGET and get a chance to win a Sony Ericsson C902 Cyber-shot phone!



I-post ko lang, Sayang eh! hehehe

8.27.2008

Amerika... Amerika

Noong Mayo 23 - Hunyo 9, 2008 natuloy ang pagpunta namin sa Amerika. Isang pangyayari na hindi ko inasahang matutuloy. Sabi ko nga, nagtrabaho ako ng halos 14 years sa isang kompanya na ang base ay sa US pero hindi ako nabigyan ng ganitong pagkakataon. Buti na lang, dito sa bagong kompanya, kahit nagsisimula pa lang, nabigyan na ako ng ganitong pagkakataon. :D

Masaya at isang hindi malilimot na karanasan ang naging pagpunta ko sa US. Ang dami ko ngang pictures sa friendster eh. At kahit hindi talagang pasyal ang ginawa ko (business trip kasi ito), madami pa rin akong nalibot at narating: San Francisco, Monterey Bay, Denver, Los Angeles, Universal Studios, Hollywood, Beverly Hills, Disneyland, Malibu, Oxnard, Orange County, atbp. Madami akong natigilang hotels at nakainang mga restaurants. Kakaiba ang "fondue experience" na nasubukan namin. At tulad ng iba, sabik din ako na makakita ng snow. Mabuti na lang at may inabot pa kami kasi halos panahon na ng summer ng dumating kami.

Pero higit sa lahat, muli kong nakita at nakausap ang mga kaibigan ko, mga dating kaopisina, mga dating kaklase, at mga bagong kaibigan. Nais kong pasalamatan sina: Ces, Glen, Ryan, Yeye, Leslie and family, Leo V., auntie Lita, auntie Cita; mga dating officemates na sina Obet, Marvin, Mau and Freddie; mga klasmeyts na Liza, Elvie, Mita and Maribel, pati mga kaibigang sina Mila, Frank, Terri, at syempre si Ray, Kristi, Aly at Trenton. Sa lahat ng mga nakasalamuha ko dyan sa US, salamat.... hintayin nyo, babalik ako hehehe.





8.02.2008

La Visa...

Pagkatapos kong makakuha ng Pasaporte, ang kasunod kong dapat ayusin ay ang aking US Visa. Haay! Panibago na namang gastos at pag-aasikaso. Buti na lang at opisina ang magbabayad. hehehe... Sabagay, kaya ko naman aasikasuhin kasi pinapapunta nila ako doon, hehehe.

Kung tutuusin, madali lang naman mag-ayos ng Bisa eh. Mabuti na lang at may internet na, kaya pagkatapos makapag-download ng form sa internet, ang kasunod na ay ang pagbabayad sa bangko. Pero malaki din yun ha, 131.00 dolyares, para lang sa application. Ma-aprub ka o hindi, nagbayad ka na. Ang kasunod ay ang pagkuha ng appointment. Dati rati matagal bago makakuha ng skedyul, baka abutin ka ng 2-3 buwan. Pero ng tumawag ako sa telepono (panibagong bayad ito, at MAHAL ang singil ng Embahada ng Amerika dito), napa-eskedyul ako ng halos 2 linggo lang pagkatawag ko. Kaya ayun, nagmadali naman ako ng pag-aayos ng mga papeles atbp! Kailangan ko ng pera sa banko, bank statement, mga katibayan na may rason ako para bumalik ulit sa Pilipinas. Takot lang nilang mag-TNT ako, hehehe... Baka nga daw mahirapan ako kasi BINATA pa ako. Alangan namang magpakasal muna ako at mag-anak dahil lang dito!

Maluwag daw sa pagkuha ng US Visa ngayon dahil sa nagaganap na recession, pero di ko inisip yun, basta mag-aapply ako, maluwag man sya o hindi, dahil kailangan.

At dumating ang aking skedyul, maaga pa lang ay andun na ako sa US Embassy. 1:30 ng hapon ang aking appointment, pero 11:00 pa lang ng umaga andun na ako. Hindi ako excited, kaso yun ang schedule ng kasama ko, alangan namang magpaiwan pa ako. Saka malay mo makapasok din ako ng maaga. Kaso hindi! Kaya ayun, pinaghintay ako sa init ng araw! Akala ko nga magiging daing o tuyo ako bago matapos ang araw!

Naglagay pa ako ng aspili o perdible sa collar ng polo ko! Sabi kasi ng nanay ko at ate ko, pangontra yun sa "masamang" elemento. Lahat ng ate at kuya na nag-abroad, ganun ang ginawa, kaya ayun maluwalhati silang naka-alis. Eh yung pamangkin ko, hindi daw sinunod yun, kaya medyo inalat ng konti. Mabuti na lang nakaalis din. Wala namang mawawala kung susundin eh hehehe.

At ng dumating na ang oras ko, deretso lang ako sa loob. Bitbit ang lahat ng dokumento ko, sinundan ko at dinaanan ang lahat ng windows, finger printing, etc.

At sa wakas, dumating ako sa dulong proseso, ang interview ng consul mismo. Matiyaga akong naghintay na tawagin ako. Inabot ko pa nga ang kasama ko doon. Iisa lang ang dasal namin, " huwag sana sa numero 10" (kasi lahat ng napunta sa consul na yun, puro luhaang umalis, DENIED lahat). Yung kasama ko, swerte nya at sa #9 siya napunta. Hintay pa din ako. At tinawag na ako, whew! numero 8 ako! Yippeee!

Paglapit na paglapit ko pa lang, inunahan ko na agad ng bati si Kano, "Hi good afternoon" (tip din kasi sa akin yun)! medyo nagulat pa ang dyaske! At nagsimula na akong tanungin ng Kano, "Why are you visiting the US, Where are you staying, What is your line of work, etc.. ", na sinagot ko naman ng totoo. Tapos bigla tanungin ba ako ng "Are you still single?", medyo kinabahan ako, ito na ba ang kinatatakutan ko? Sinagot ko naman ng may pagmamalaki, "YES I AM"... tapang!

Tumingin sya sa akin saglit, sabay abot ng papel.... sabi kasi kapag inabot sa yo yung DILAW na papel, tanggap ka na. Eh medyo madilim, saka hindi nakangiti ang damuho.... dilaw ba ang inaabot nya sa akin?

At pagkahawak ko sa papel, DILAW!!!!!! Aprub ang visa ko! Humangos ako sa last counter, para ayusin ang pagdedeliver ng passport ko na may tatak ng VISA ko!

Amerika, papunta na ako dyan!








7.29.2008

Passport, Sir Ma'am, Passport



Passport... Ilang beses ko ipinagpaliban ang pagkuha nito. Bagama't alam ko na kakailanganin ko ito balang araw, hindi pa rin ako nagmadali na kumuha nito. Bakit? Dalawang kadahilanan: 1. May konting "problema" sa aking birth certificate (nagkamali ng pagbaybay ng apelyido ko ang clerk sa aming bayan, kaya iba ang napatala sa NSO) ; 2. Hindi ako nagmamadali na makapunta sa ibang bansa.

Pero dumating ang panahon na kakailanganin ko na palang mag-ayos nito. Napagkasunduan ng Amerikanong partner namin sa trabaho na papuntahin kami sa Amerika para doon gawin ang taunang "business planning" kesa sa siya ulit ang pumunta dito. Kaya ayun, nagkukumahog ako sa pag-aasikaso.

At tulad ng inaasahan, unang kailanganin kong ayusin ay ang problema ko sa birth certificate. Kung bakit naman kasi yung apelyido namin ay dapat "Z" pero laging isinusulat na "S". Hindi naman kami mali ng pagbigkas. Minsan nagtataka na rin kami, na baka ang tatay ko talaga ang mali ng sulat ng kanyang apelyido (hehehe). Kahit silang magkakapatid ay hindi magkasundo kung ano talaga ang tama, kung"S" ba o "Z". Pero pinanindigan ng tatay ko ang "Z" (siguro bukod sa maganda ang tunog, mas sosyal at mas mayaman ang dating hehehe).

At matapos ang ilang buwang pag-aasikaso ng aking birth certificate, bagama't wala pa ding desisyon, nagpasiya na akong kumuha ng pasaporte. Aabutin daw kasi ng ilang buwan pa bago magkaroon ng desisyon yung request ko na maitama ang apelyido ko, kaya humingi na lang ako ng mga katibayan na may petisyon na ako para maitama ang aking apelyido.

At dala ang lahat ng kailangan ko, nagpunta ako sa DFA para mag-apply ng pasaporte. Ganun pala katindi ang dami ng kumukuha ng passport doon! Mabuti na lang at nawarningan na ako tungkol sa mga "raket" dun sa may labasan kaya't naiwasan ko! Dumating yata ako na kumpleto na lahat ng forms ko, pati mga kakailanganing notaryo, stamp, litrato. Nadinig ko nga sa mga nakapila na siningil sila sa mga thumbmarks nila ng 15 pesos bawat daliri! Dahil sa haba ng pila, talagang mapipilitan kang makipag-usap sa mga tao, maki-amoy sa lahat ng klase ng amoy na andun, makipagsiksikan, makipag contest sa patagalan ng pagtayo, atbp. At yun ay sa sa filing pa lang! Bukod pa ang araw ng mismong "appearance" at panibagong pag-fill up ng mga forms. Mabuti na lang at may mga naging kaibigan ako habang ako ay nakapila. :D Mahirap pero masaya ang buong proseso. Kasi siyempre, excited din ako na magka-passport. hehehe.

Makalipas ang isang linggo, oras na para sa aking "appearance". Ngayon, mas konti na lang ang tao kasi scheduled na lahat, saka medyo dun na sa malamig na lugar ang hintayan. Hndi kami nagkita ng aking mga bagong kaibigan. At ng andun na ako sa "processing", ayun, may konti daw problema ang litrato ko. Sabi ko inaprubahan na yan ng unang magpunta ako bakit ngayon sasabihin na hindi puwede? May guhit daw na nakikita, kaya kailangan ko daw magpakuha ulit doon sa booth nila. At ano pa ba magagawa ko, hindi rin ako nakaligtas sa raket nila. Siningil ako ng 150 pesos para sa litratong mas pangit pa sa dati kong litrato na binayaran ko lang ng 60pesos. Hay! Raket talaga. At hindi lang ako ha. Halos lahat ng nag-apply nung araw na yun, pinapalitan ang mga litrato.

At makalipas nga ang dalawang linggo, ayun, nahawakan ko na rin ang aking Pasaporte. Sulit ang pagpila ko sa DFA. Wag lang isipin na na-raket din ako. hehehe. Mas mahalagang isipin na sa wakas, may passport na ako, at may mga naging kaibigan pa ako na patuloy ko pa ding nakakatext, at nasa Friendster ko!

Updeyt Updeyt

Walandyo, Marso pa pala ng huli akong magsulat dito. Hindi ko namalayan na ganun na pala katagal yun. Hirap pala pag nagiging abala sa trabaho, hehehe.


Hmmm, ano na ba mga kuwento ko? Madaming madami!

Pero bago ko isa-isahin yun, bibigyan ko muna kayo ng teaser, ika nga...

1. May passport na din ako sa wakas.
2. Nakapag-apply na din ako ng US Visa (whew)
3. Galing na ako sa Amerika (hehehe)!!!
4. Pupunta ba ako ng Thailand?
5. Nanood ako ng Dark Knight (astig)!
6. Abala din ako sa pagtratrabaho...
7. Bumabalik hilig ko sa comics, at pag-drodrowing
8. Mahilig pa din ako sa Musika
9. Nag-iisip ako ng mga bagong pagkakakitaan
10. Abala ako sa pagdami ng friends ko sa Friendster at Myspace, ayaw ko ng dagdagan ng Facebook :D

Ayan lang muna... hehehe.. hanggang sa susunod!

Batman dumayo sa Batangas

Nanang ko po!  Matagal na pala ng huli akong magsulat dito... Mahigit isang taon na naman ang lumipas.  Hay naku!  Dapat Medyo sipagin na ak...