8.09.2007

Liham ko kay Nanay.. para sa kanyang kaarawan

Agosto 8, 2007, ipinagdiwang ng aking Nanay ang kanyang ika-75 na kaarawan. At bilang tanda ng aming pagmamahal, naisipan naming mga kapatid na maghandog ng liham o sulat para sa kanya... at ito ang aking liham:

Nanay,

Nanay, Inay, Nanang, Nay, Mama, Mommy… mga salitang ating tinatawag sa iisang tao… ang tanging babae na nagsilang at nag-aruga sa atin mula sa pagkabata hanggang sa paglaki.

Pero para sa akin, at sa aking mga kapatid, NANAY ang salitang nababagay sa iyo… MAMA DAIZ pa kung minsan, at LOLABAY para sa iyong mga apo..

Kaarawan mo na naman, at tulad ng mga nakaraang taon, muli na naman tayong magkikita at magkakasama. May mga nakahandang pagkain, dekorasyon at palamuti. And this time, aba, swimming venue pa.

Pero bakit nga ba tayo ay andito? Ito ay upang pasalamatan ka sa lahat lahat ng ginawa mo para sa amin.

At ako, bilang BUNSO mo, ay nais magpasalamat sa lahat ng ipinagkaloob mo sa akin. Una, sa buhay na bigay, pangalawa sa pagbuhay, at pangatlo, sa panibagong buhay.

Hindi ko kayang bangggitin ang pasasalamat ko sa lahat ng ginawa mo para sa akin, mula pagkabata at hanggang sa ngayon.

Pero nais kitang pasalamatan sa lahat ng pang-unawa at pagpapahalaga mo sa akin at sa aking pagkatao. Hindi mo kailanman tinanong ang mga naging desisyon ko sa buhay, kung ito man ay maganda o hindi. Patuloy kang sumuporta at naniwala sa aking kakayahan at kagustuhan. Matiyaga kang nag-obserba sa labas ng mundo ko, pero patuloy kang gumagabay at umuunawa.

Sa lahat ng pagkalugmok ko, andyan ka para tulungan akong bumangon muli. Andyan din pati ang aking mga kapatid na iyong pinalaki sa magandang paraan. Hindi iilang kaibigan at pamilya ang nagsabi na napakaganda ng ginawa mong pagpapalaki sa amin. At iyon ay lubusan naming pinagpapasalamat sa iyo. Maaring tayo ay salat sa yaman o karangyaan, pero naguumapaw naman sa atin ang pagmamahalan at pagtutulungan.

At sa inyong kaarawan, ito ay muling selebrasyon ng panibagong yugto ng ating mga buhay. Ito ay muling pasasalamat sa mga blessings, at higit sa lahat, ito ay pasasalamat sa Iyo, ang aming pinakamamahal na Nanay.


Nagmamahal,

Bunso

No comments: