5.22.2004

Kalabit Enge



Minsang ginabi ako sa opisina (sa paggawa nitong blog na ito - hehehe), naisipan ko munang kumain sa isang kiosk ng ZippZappKszzt Burgyer...

Habang hinihintay ko yung binili kong pagkain (Spicy Spanish Burgyer), may dalawang batang kalabit-enge ang lumapit sa akin. Sa mga hindi nakakaalam, Ang mga KALABIT-ENGE ay yung mga batang wala ng ginawa kundi ang kalabitin ka at sabay sabi ng "Enge" o pinaikling pahingi! Ayun, siyempre, kinukulit ako ng dalawang bata. Nagkataon namang wala akong barya sa bulsa kundi ang 2 25-sentimo na barya. Dahil sa likas akong maawain (ehem), buong puso kong ibinigay sa dalawang bata ang barya sabay sabing "Pasensya na ha, yan lang ang barya ko eh". Tinanggap naman ng isa yung inabot ko sabay sabi ng "Ano ito? Beinte-singko?", sabay balik sa silya ng baryang ibinigay ko. Sagot pa ni bata, "Ayaw namin nyan!". Aba, nagulat ako! Tinanggihan ang ibinibigay ko! Pero humirit pa ako, "Sige kayo, kung hindi nyo kukunin yan, kukunin ko na lang ulit". Aba, pinatulan ba ako nung pangalawang bata! Biglang inabot sa akin yung 2 beinte-singko, sabay sabi ng "Eto, sa yo na!" Nagtimpi pa ako, sabay sabi ng "Hindi, bigay ko nga sa inyo yan eh". Eh ayaw tumigil ni bata #2! Pilit na inaabot sa akin yung barya sabay tukso pa ng "Di ba gusto mo? sa yo na lang! Gusto mo di ba?" Nang hindi ko tanggapin, itinapon ni bata #2 yung barya! Buti na lang at nanaig yung pagiging matanda ko at hindi ko na pinatulan yung bata... Naisip ko tuloy, ganun na ba kawalang halaga ang beinte-singko? Bago ko nasagot yung tanong ko, dumating na yung order ko! Buti na lang...

Eto naman ang problema, nung kumakain na ako, di pa rin umalis ang mga kalabit-enge! Panay pa rin ang kalabit! Ngayon naman, gusto pang umambon sa aking hapunan... Nagtitimpi pa rin ako sabay sabing sige, mamaya... Ngunit biglang may dumating pang isang bata! Tatlo na silang nakatingin sa akin na pilit ng pilit na makatikim sa aking hapunang burgyer! Hindi ako nakatiis! Bigla kong inabot sa kanila yung pagkain ko, "Ayan, hati-hati kayong tatlo!", sabay tayo at kuha ng bag ko at ng inumin ko (Wag kayong mag-alala nagbayad ako)! Nagmamadali akong lumayo sa lugar na yun, hindi para makalimutan yung mga bata kundi para di ko marinig ang galit nila dahil sa SOBRANG ANGHANG na pagkain ko!!! Minsan, masarap ding makipaglaro sa mga batang kasing-kulit ng mga kalabit-enge! :)



No comments:

Batman dumayo sa Batangas

Nanang ko po!  Matagal na pala ng huli akong magsulat dito... Mahigit isang taon na naman ang lumipas.  Hay naku!  Dapat Medyo sipagin na ak...